Nanawagan ang mga guro sa Central Luzon sa Department of Education na bilisan ang proseso ng promotion at tiyakin ang pagkakaloob ng Collective Negotiation Agreement cash incentive ngayong taon.
Ayon sa Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers Central Luzon Union, maganda ang layunin ng programa ng Department of Education na i-promote ang lahat ng guro at walang maiwan sa Teacher One.
Gayunman, nanawagan ang grupo na luwagan ang requirements para sa mga senior teacher na may edad 50 pataas at malapit nang magretiro, upang hindi sila manatiling Teacher One hanggang sa pagreretiro.
Napansin din ng grupo na mas napupuno ang mga mas batang guro dahil mas aktibo sila at mas nakakapag-produce ng mga requirement para sa promotion, lalo na pagdating sa teknolohiya.
Bukod dito, hindi sabay-sabay ang pag-apruba ng promotion, kaya may mga guro na naaprubahan na ngunit hindi pa natatanggap ang kaukulang dagdag sa sahod.
Samantala, inaasahan din ng mga guro na maipagkakaloob na ngayong taon ang Collective Negotiation Agreement cash incentive matapos itong hindi maibigay noong 2024 at 2025.
Nakabatay ang incentive sa savings ng mga paaralan at division offices, kaya walang natira para sa mga guro noong mga nakaraang taon.
Gayunman, naglabas ang Department of Budget and Management ng bagong budget circular na nagdadagdag ng mga panibagong requirement para sa pagkakaloob ng incentive.
Nanawagan ang grupo na hindi sana maging hadlang ang mga bagong requirement sa pagkilala sa karapatan ng mga kwalipikadong guro, at magkaroon ng malinaw na gabay at pantay na pagtrato sa lahat.
Nakatakdang makipagpulong ang grupo sa Department of Education Region 3 upang pag-usapan ang bagong budget circular at ang iba pang usapin ng mga guro.










