Pinaigting ng Bureau of Fire Protection o BFP Malasiqui ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kaligtasan sa sunog at kahandaan sa sakuna sa pamamagitan ng isang information and awareness lecture para sa mga opisyal ng barangay sa bayan.
‎
‎Isinagawa ang talakayan sa buwanang pagpupulong ng Liga ng mga Barangay, na pinangunahan ng tanggapan ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa ilalim ni Municipal Local Government Officer Derrick M. Dawis.
‎
‎Tinalakay ni Acting Municipal Fire Marshal FINSP Florence G. Nastor ang ilang mahahalagang paksa, kabilang ang fire safety awareness, Oplan Paalala: Iwas Paputok, at paghahanda sa El Niño.
‎
‎Binigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng pag-iwas sa sunog, pagiging maingat sa paggamit ng mga bagay na maaaring pagmulan ng apoy, at pag-iwas sa paggamit ng paputok ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
‎
‎Ipinaalala rin ang pangangailangang maghanda laban sa mga posibleng epekto ng El Niño at iba pang panganib na maaaring makaapekto sa mga komunidad.
‎
‎Dumalo rin sa pagpupulong ang mga opisyal ng barangay, mga kinatawan ng PNP Malasiqui, at si Municipal Mayor Alfe M. Soriano.
‎
‎Sa pamamagitan ng naturang talakayan, hinihikayat ang mga opisyal ng barangay na ibahagi ang mga kaalaman tungkol sa fire safety at disaster preparedness sa kani-kanilang nasasakupan upang makatulong sa pag-iwas sa sunog at iba pang sakuna.