Nanawagan ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Nicolas sa mga motorista at mga nagpipiknik sa bulubunduking bahagi ng Barangay Malico, partikular sa kahabaan ng Villa Verde Road, na magbaon ng sariling plastic o garbage sack upang maiwasan ang pagkalat ng basura sa lugar.

Sa panayam kay MENRO-San Nicolas Head Eddie A. Mateo, sinabi nitong bagaman may tatlong Bantay Gubat na regular na nagpapatrol at nagpupulot ng kalat sa lugar, nananatiling malaking problema ang dami ng basurang naiiwan sa tabing-kalsada lalo na tuwing weekend o araw ng Sabado at Linggo.

Ayon kay Mateo, personal niyang pinagsasabihan ang mga nagpipiknik sa daan na iuwi ang kanilang mga kalat, subalit ang ilan sa mga ito ay nagagalit pa umano dahil sa kakulangan ng impormasyon hinggil sa tamang pamamahala ng basura.

--Ads--

Bukod sa mga kalat sa tabing-kalsada, ibinunyag din nito na may mga pasaway na nagtatapon ng sako-sakong basura sa mga bangin sa Malico, na pinaniniwalaang nagmumula pa sa ibang mga lugar.

Dahil hindi nahuhuli sa akto ang mga nagtatapon, ang mga tauhan na lamang ng MENRO ang naglilinis at nag-aalis ng mga ito.

Nagbabala si Mateo na kung patuloy na iiwan ang mga plastic na basura sa kabundukan, magdudulot ito ng soil pollution at aanurin pababa sa mga lowland areas na magreresulta sa pagbabara ng mga kanal, pagbaha sa mga kabahayan, at pagkakalat hanggang sa dagat.

Hinikayat din nito ang mga residente ng Malico at mga taga-bundok na magsilbing modelo sa pangangalaga sa kalikasan, habang ipinagpapatuloy ng mga Bantay Gubat ang pagtutok at pagpapaalala sa publiko sa tamang pamamahala ng basura.