Patuloy na isinusulong ni Binmaley, Pangasinan Councilor Jerico Ikong Francisco ang boluntaryong pagdo-donate ng dugo matapos mismo siyang makaranas na mangailangan ng malaking suplay nito nang maospital noong nakaraang taon.

Ibinahagi ni Francisco na umabot sa 28 bags ng dugo ang kinailangan niya noong siya ay naospital, dahilan upang higit niyang maunawaan ang kahalagahan ng mga blood donation activity para sa mga pasyenteng nangangailangan ng transfusion.

Nagsimula siyang mag-donate ng dugo noong 2007 at mula nang pumasok sa serbisyo publiko ay ginagawa na niya itong regular na adbokasiya. May mga pagkakataon din aniyang dalawang beses sa isang taon siyang nakikilahok sa blood donation activities.

--Ads--

Muli siyang nakiisa sa Dugong Bombo 2026 matapos imbitahan ni Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), kung saan kabilang din siya bilang miyembro.

Nagpasalamat naman siya sa Bombo Radyo, Star FM, Philippine Red Cross, Nepo Mall at iba pang katuwang sa pagsasagawa ng programa na nagbibigay ng pagkakataon sa publiko na makatulong sa mga nangangailangan ng dugo.

Hinikayat din ni Francisco ang publiko na huwag sayangin ang pagkakataong makapag-donate dahil ang bawat bag ng dugong maibibigay ay maaaring makatulong at makapagligtas ng buhay ng isang pasyente.