Pinalakas ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang kakayahan ng mga barangay sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa pamamagitan ng pamamahagi ng 28 bagong Barangay Tricycle Patrol Vehicles.
Isinagawa ngayong umaga ang blessing and turnover ceremony ng mga bagong patrol vehicle, kasabay ng pagbabasbas sa isang bagong 12-wheeler truck.
Pinangunahan ni Mayor Pedro A. Merrera III ang opisyal na turnover ng mga sasakyan sa mga Punong Barangay sa pangunguna ni Liga ng mga Barangay President Roberto A. Merrera Jr.
Naisakatuparan ang pagkakaloob ng mga patrol vehicle sa pamamagitan ng Liga ng mga Barangay sa tulong ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng programang Bawat Barangay Makikinabang, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong sasakyan upang mapahusay ang kakayahan ng bawat barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagpapalakas ng seguridad at mas mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente.
Patuloy namang isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga programang naglalayong mapalakas ang kagamitan at kakayahan ng mga barangay tungo sa mas ligtas, maayos at maunlad na pamayanan.










