Pagpapalakas ng lokal na industriya ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na suporta, subsidiya at programang direkta sa pakinabang ng mga magsasaka.

Ito ang naging panawagan ng grupong Bantay Bigas bilang sagot sa panawagan ng Department of Agricultuure- Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) sa mga Pilipino na maging mas aktibo sa pagpapalakas ng industriya ng bigas sa bansa sa nakaraang pagdiriwang ng National Rice Awareness Month sa Rizal Park, Manila.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Cathy Estavillo, bagama’t patuloy na nahihirapan ang mga magsasaka dahil sa mababang presyo ng palay, epekto ng El Niño, kakulangan sa subsidiya at pagtaas ng gastos sa produksyon ay nananatiling aktibo umano ang mga magsasaka sa pakikipagsapalaran sa produksyon ng palay sa bansa.

--Ads--

Kaugnay nito, marami aniyang magsasaka ang kasalukuyan nang nagdadalawang isip kung magpapatuloy pa sa pagtatanim dahil sa lumalalang sitwasyon ng pagkalugi at kakulangan ng kaukulang suporta mula sa pamahalaan para sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Hinimok din ni Estavillo ang pamahalaan na ipatigil ang labis na pag-angkat ng imported na bigas at pagtuonan ng pansin ang pagpapatayo ng mga buying station sa mga barangay upang direktang mabili ang palay sa mga magsasaka at pagtatayo ng sapat na post-harvest at milling facilities para sa mga magsasaka sa bansa.

Bukoid dito, hiniling din ng Bantay Bigas sa pamahalaan ang pagbibigay ng sapat na subsidyo at kompensasyon sa mga magsasakang apektado ng mga kalamidad, tiyaking mapupunta sa mga palayan ang natitirang suplay ng tubig sa mga dam at pagpapatupad ng matibay na reporma sa lupa upang maprotektahan ang mga sakahan at lalo pang mapalakas ang produksyon ng bigas sa bansa.