Dagupan City – Nakiisa ang Disaster Risk Reduction and Management Office o DRRMO ng Calasiao sa advocacy campaign ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month 2026.
Isinagawa ang unang bahagi ng kampanya sa Nalsian Elementary School, kung saan tinalakay ng kinatawan ng DRRMO bilang resource speaker ang paksang Safety Hazards upang turuan ang mga mag-aaral kung paano makikilala ang mga panganib sa kanilang paligid, paano maiiwasan ang mga ito, at ano ang dapat gawin sa oras ng emerhensiya.
Katuwang din sa aktibidad ang Philippine National Police o PNP na tumalakay sa usapin ng cyberbullying, Bureau of Fire Protection o BFP para sa fire prevention, at MSWDO para naman sa OSAEC o Online Sexual Abuse and Exploitation of Children.
Bahagi ang naturang kampanya ng temang “Manindigan, Tumugon, Kumalinga: Batang Handa, Mas Ligtas ang Bansa,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbibigay-kaalaman sa mga bata tungkol sa kanilang kaligtasan at kung paano tutugon sa iba’t ibang panganib.
Sa pamamagitan ng ganitong mga talakayan sa paaralan, layunin ng mga kinauukulang tanggapan na mas maagang maipakilala sa mga mag-aaral ang mga paraan upang maprotektahan ang kanilang sarili at maging handa sa oras ng emergency.










