Inalis na ng Federal Aviation Administration (FAA) ang nationwide ground stop sa Estados Unidos matapos magkaproblema ang sistema ng komunikasyon sa mga air traffic control center na nagdulot ng malawakang pagkaantala at pagkansela ng mga biyahe sa iba’t ibang paliparan sa bansa.

Ayon kay Transportation Secretary Sean Duffy, muling binuksan ang airspace ng Estados Unidos dakong alas-8:15 ng gabi, Eastern Time nitong Biyernes, Nobyembre 13.

Gayunman, sinabi nitong unti-unti lamang maibabalik sa normal ang operasyon ng mga airline matapos ang naturang aberya.

Batay sa datos ng flight-tracking website na Flightradar24, umabot sa halos 10,000 flights ang nakansela pagsapit ng alas-11:30 ng gabi, kabilang ang mahigit 2,200 kanseladong biyahe ng Delta Air Lines at American Airlines, habang 1,800 naman sa United Airlines.

Dahil dito, libo-libong pasahero ang na-stranded sa mga paliparan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang may ilang eroplano na kinailangang maghintay nang mahigit limang oras bago mabigyan ng puwesto sa airport gate.

Ipinaliwanag ni Duffy na nagsimula ang problema matapos makaranas ng instability ang radar at communication systems ng mga air traffic control center.

Nagkaroon umano ng sobrang dami ng datos na dumaan sa kanilang switches at routers na nagresulta sa hindi magkakatugmang impormasyon mula sa sistema.

Dahil dito, pansamantalang itinigil ang operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at eroplano.

Sa kabila ng pag-alis sa nationwide ground stop, inaasahang aabutin pa ng ilang araw bago tuluyang maibalik sa normal ang iskedyul ng mga airline dahil sa dami ng mga nakanselang biyahe at naantalang operasyon.

--Ads--