Itinuturing ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), na indikasyon ng paghina ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang pag-atras sa orihinal na listahan ng mga testigo nito, kabilang ang 16 na bank executives na una nang nakatakdang humarap sa impeachment trial.
Sa panayam, sinabi ni Simbulan na inaasahan sanang maghahain ang kampo ng depensa ng matitibay na ebidensya at mga testigo upang sagutin ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente, partikular sa usapin ng unexplained wealth.
Gayunman, sa halip na mapalakas ang depensa, sinabi niyang naging kapaki-pakinabang pa umano sa panig ng prosekusyon ang mga naging testimonya ng ilang testigong iniharap ng depensa.
Paliwanag ni Simbulan, posibleng napagtanto ng mga abogado ng depensa na nagiging kontraproduktibo ang pagharap ng kanilang mga testigo, lalo na kapag kinukuwestiyon ng mga abogado ng prosekusyon ang mga ito gamit ang mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang trabaho at mga transaksyon.
Aniya, nagiging mahirap para sa mga testigo na itanggi ang mga impormasyong nakasaad sa mga dokumentong kanilang pinagtibayan o nilagdaan.
Binigyang-diin din nito ang naging testimonya ni Atty. Mia Torme Cabrera, ang financial forensic analyst ng prosekusyon, na naglahad ng umano’y hindi naideklarang yaman na nagkakahalaga ng 817 milyong piso.
Ayon kay Simbulan, kabilang ito sa pinakamabibigat na ebidensyang iniharap ng prosekusyon na kailangang masagot ng kampo ng Bise Presidente.
Dagdag pa niya, mahalagang maipaliwanag ng depensa ang mga impormasyong lumitaw kaugnay ng mga ari-arian, kita at posibleng interes sa mga korporasyong iniuugnay sa Bise Presidente at sa kanyang asawa.
Aniya, kung hindi mapatutunayang mali ang mga inilatag na dokumento at kalkulasyon ng prosekusyon, maaari itong magkaroon ng malaking epekto sa impeachment case.










