Dinaluhan ng mahigit limang daang (500) motorcycle riders ang kauna-unahang Road Safety Summit sa Northern Luzon na isinagawa ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) sa Pangasinan Training and Development Center sa bayan ng Lingayen.
Ayon kay Raymund Cristobal, Road Safety Chairman ng MDPPA, layunin ng kanilang taunang programa na turuan at itanim sa mga motorista ang tamang disiplina sa kalsada upang mapababa ang bilang ng mga aksidente sa daan.
Bukod sa mga riders mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan, nakiisa rin sa pagtitipon ang ilang mga motorista mula pa sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ipinaliwanag ni Cristobal na bagama’t magandang indikasyon ang patuloy na pagtaas ng benta ng motorsiklo dahil malaki ang naitutulong nito sa transportasyon at negosyo ng mga Pilipino, kaakibat naman nito ang pagdami ng mga aksidente sa lansangan.
Binigyang-diin ng opisyal na ang dalawang pangunahing sanhi ng mga aksidente ay ang labis na bilis sa pagpapatakbo o speeding, at ang hindi pagsusuot ng tamang riding gears, mga bagay na maaari sanang maiwasan kung may sapat na kaalaman at pag-iingat ang mga motorista.
Ang pagtitipon sa Pangasinan ang ika-apat na summit na inilunsad ng MDPPA sa buong bansa, kasunod ng mga naunang aktibidad sa Davao City, Metro Manila, at Tagaytay.
Naisakatuparan ito sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III, pati na rin ng mga pribadong katuwang tulad ng Guanzon Group of companies at iba’t ibang riders clubs.
Samantala, nagpaabot naman ng suporta si Renan Lopez, Chairman ng Charity Rider for 1 PH sa programa, kasama ang mga kinatawan mula sa Land Transportation Office (LTO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Health (DOH), Philippine Army, at Philippine National Police (PNP).
Iginiit ni Lopez na sa patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa kalsada, kinakailangang mas palawigin pa ang mga kampanya tulad ng road safety caravan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Nagpaalala naman ang mga ito sa mga lumahok na riders na ang kaligtasan sa lansangan ay responsibilidad ng bawat isa at laging isaisip na may pamilyang naghihintay sa kanilang ligtas na pag-uwi.










