Dagupan City – Binigyang-diin nina Pangasinan Governor Ramon Guico III at First Lady Maan Guico ang mahalagang papel ng mga content creator at vlogger sa pagpapalaganap ng tama at positibong impormasyon sa publiko.

Ito ay sa isinagawang Saniata Pangasinan: Ang Galing Vlogfest 2026 – Partners of Development, kung saan tinalakay ang malaking impluwensiya ng mga vlogger sa pananaw at opinyon ng publiko, partikular sa social media.

Ayon sa gobernador, nagagamit umano ang social media sa pagpapakalat ng maling impormasyon at mga kuwentong walang sapat na batayan, kabilang na ang mga impormasyon tungkol sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan, gaya ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga Pangasinense.

Dahil dito, binigyang-diin ni Guico ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga vlogger sa pamahalaang panlalawigan upang makatulong sa pagpapalaganap ng makatotohanang impormasyon, paghikayat ng positibong pananaw at paglaban sa fake news.