Dagupan City – Tinatayang may sapat pang suplay ng imported na karneng baboy sa bansa hanggang Enero sa susunod na taon, kaya hindi inaasahang magkakaroon ng kakulangan sa suplay kahit pa palawigin ng pamahalaan ang importation period.
Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahan Industriya ng Agrikultura o SINAG, may halos 110 araw pang stock ng imported pork na inaasahang tatagal hanggang Enero.
Dahil dito, wala umano silang nakikitang problema sa suplay at hindi rin inaasahang magkakaroon ng kakulangan sa inaangkat na karne mula sa ibang bansa.
Samantala, sinabi rin ni So na wala silang nakikitang agarang pagtaas sa presyo ng bigas sa kabila ng inaasahang epekto ng El Niño dahil nananatiling sapat ang suplay nito.
Aniya, halos kalahating milyong tonelada na rin ang naipasok na bigas sa bansa.
Pagdating naman sa mga gulay, inaasahan ng SINAG na unti-unti nang magiging normal ang presyo nito sa merkado, kasabay ng pagbangon ng suplay ng mga gulay na itinatanim sa mabababang lugar.
Posible umanong mas maging normal ang presyo ng mga ito pagsapit ng katapusan ng buwan.










