Dagupan City – Nakatanggap ng tig-isang bagong tricycle patrol unit ang lahat ng sampung barangay sa bayan ng Santo Tomas.
Ang pamamahagi ng mga tricycle patrol ay bahagi ng Bawat Barangay Makikinabang Program (BBMP), kung saan nakatanggap ang bawat barangay ng ₱200,000 pondo.
Sa halagang ito, ₱100,000 ang inilaan para sa Bagong Pilipinas Barangay Scholars Program, habang ang natitirang ₱100,000 ay ginamit sa pagbili ng mga patrol unit para sa pagpapaunlad ng komunidad.
Layunin nito na masiguro ang ligtas na paggamit nito sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad.
Bukod dito, tatlong benepisyaryo mula sa mga barangay ng Salvacion, Sto. Domingo, at San Marcos ang napagkalooban ng mga bagong wheelchair.
Pinangunahan ang turn-over ni Mayor Dickerson Villar at ilang opisyal ng pamahalaang bayan habang nagpasalamat ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga programang direktang naghahatid ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at barangay.
Samantala, nagpaalala sila sa mga opisyal ng barangay na ingatan at gamitin nang tama ang mga bagong sasakyan upang epektibong makapaglingkod sa kani-kanilang nasasakupan.










