Dagupan City – Umabot sa 1,922 senior citizen sa bayan ng Tayug ang muling nakatanggap ng tig-₱3,000 pinansyal na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Naisakatuparan ang pamamahagi ng ayuda sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at ng Senior Citizens Federation, sa ilalim ng administrasyon nina Mayor Tyrone D. Agabas at Vice Mayor Lorna L. Primicias.
Naging katuwang din sa maayos na daloy ng payout sina Social Welfare Officer I Maricel R. Ped at Municipal Roving Bookkeeper Jennyfie T. Fernandez.
Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Tayug, ang patuloy na pamamahagi ng tulong-pinansyal ay bahagi ng kanilang pagkilala at pagpapahalaga sa mahalagang kontribusyon ng mga nakatatanda sa komunidad.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na makatutulong ang nasabing halaga upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan at makapagbigay ng dagdag na ginhawa sa pamumuhay ng mga benepisyaryo.










