Dagupan City – Itinuturing na mahalagang pagkilala sa mahabang taon ng serbisyo at dedikasyon sa pagtuturo ang pagkaka-promote ng dalawang beteranong guro sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) Program ng Department of Education (DepEd).

Kabilang sa mga benepisyaryo si Benjie Dacanay na na-promote bilang Teacher VI matapos ang 31 taon sa serbisyo publiko. Nagsimula siya bilang Teacher I noong 1995 at na-promote bilang Teacher III noong 2008 bago tuluyang umangat sa mas mataas na posisyon ngayong 2026.

Bago ang kanyang bagong appointment, nagsilbi rin si Dacanay bilang Officer-in-Charge (OIC) Head Teacher III at OIC Assistant Principal. Para sa kanya, malaking tulong ang ECP Program sa mga gurong matagal nang naglilingkod ngunit limitado ang oportunidad na ma-promote dahil sa dating sistema.

--Ads--

Samantala, na-promote naman bilang Teacher V si Ernesto Lagmay Jr. matapos ang 32 taon sa DepEd.

Nagsimula siya bilang substitute teacher sa loob ng dalawang buwan bago maitalaga bilang Teacher I noong Pebrero 14, 1995.

Noong 2012, na-promote si Lagmay bilang Teacher II at nanatili sa naturang posisyon hanggang sa pagkakaloob ng bagong oportunidad sa ilalim ng ECP ngayong 2026.

Ayon sa kanya, malaking oportunidad ang programa lalo na para sa mga gurong nagtuturo sa maliliit na paaralan kung saan limitado ang pagkakataong umangat sa mas mataas na posisyon. Nakabatay rin ang kwalipikasyon sa performance at mga nakamit ng guro sa kanilang propesyon.

Bukod sa pagkilala sa kanilang mga taon ng serbisyo, inaasahang makatutulong din ang promosyon sa pagpapabuti ng kanilang buwanang sahod at benepisyo, partikular sa mga gurong may mga anak na pinag-aaral at malapit nang magretiro.

Sa pamamagitan ng Expanded Career Progression Program, layunin ng DepEd na mabigyan ng mas malawak na pagkakataon ang mga guro na umangat sa kanilang propesyon batay sa kakayahan, performance at kwalipikasyon, sa halip na umasa lamang sa pagkakaroon ng bakanteng posisyon.

Umaasa naman ang dalawang guro na magpapatuloy ang programa upang mas marami pang educator sa buong bansa ang makinabang sa mas makatarungang sistema ng promosyon at pagkilala sa kanilang matagal na paglilingkod sa sektor ng edukasyon.