Kinumpirma ng National Privacy Commission (NPC) nitong Martes, Nobyembre 10, na nakatanggap ito ng personal data breach notifications mula sa sampung ahensiya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga ahensiyang nakaranas ng data breach ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment nito, Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Nagkaroon din ng data breach ang Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng Office for Alternative Dispute Resolution nito, Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), Presidential Commission on Good Government (PCGG), maging ang Philippine Coast Guard (PCG).

--Ads--

Ayon naman sa NPC, sinisimulan na nito ang imbestigasyon sa naturang pagtagas ng mga personal na datos mula sa mga sangkot na ahensiya.

“Each notification received by the NPC is reviewed and assessed by our Compliance and Monitoring Division, which examines the nature and circumstances of the reported incident, its potential impact on affected individuals, and the measures undertaken by the agency concerned,” saad ni NPC Deputy Privacy Commissioner at Spokesperson Atty. Jose S. Belarmino II.

Dagdag pa ni Belarmino, bagama’t tungkulin din ng komisyon ang pangunguna sa pangangalaga ng mga sensitibong datos, responsibilidad pa rin aniya ng mga ahensiya ng pamahalaan na siguraduhin ang proteksiyon sa mga datos nito upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang anumang uri ng pananamantala sa mga apektadong indibidwal.

Iginiit din ng NPC ang pananagutan ng mga ahensiya, bilang personal information controllers, sa kaligtasan ng mga personal na datos sa ilalim nito, outsourced man ito o subcontracted mula sa third-party service providers.

Obligasyon din anila ito na magpatupad ng mga naangkop na organisasyunal, pisikal, at teknikal na patakaran sa seguridad upang maproteksyunan ang mga personal na datos.

Samantala, pinaalalahanan naman ng komisyon ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa mga phising attempt, scam, identity theft, at iba pan uri ng social engineering na maaaring magdulot ng pananamantala mula sa mga naiulat na data breaches. Pinag-iingat din ang mga laban sa pagtugon sa mga kahina-hinalang mga mensahe, pag-click sa mga ‘di pamilyar na website link, pag-download ng mga attachment, at pagbabahagi ng mga personal at sensitibong impormasyon.