Nagbaba ng direktiba ang Police Regional Office 1 para sa mas mahigpit na pagsisiyasat sa lahat ng establisyemento na may kaugnayan sa paggawa at pagbebenta ng paputok sa buong Region 1.
Ang hakbang ay kasunod ng pagsabog sa isang iligal na pagawaan ng paputok sa Malasiqui, Pangasinan noong Nobyembre 4 na kumitil sa limang buhay.
Ayon kay Police Major Cherry Tolentino, Chief ng Regional Public Information Office ng PRO1, ang insidente ay nagsilbing paalala sa matinding panganib na dulot ng iligal na paggawa at pag-iimbak ng paputok.
Dahil dito, nag-utos si PRO1 Regional Director Police Brigadier General Crisaleo Tolentino na hindi lamang sa lalawigan ng Pangasinan kundi sa buong rehiyon isagawa ang masusing inspeksyon upang matiyak na hindi na maulit ang trahedya at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sinabi ni Tolentino na pinaigting na ng kapulisan ang intelligence monitoring, intelligence gathering at surveillance sa mga hinihinalang iligal na pagawaan ng paputok.
Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga barangay officials, dahil sila ang higit na nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan at makatutulong upang matukoy ang mga lugar na may hindi rehistradong pagawaan o bodega ng paputok.
Kaugnay ng nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon, pinaghahandaan na rin ng PRO1 ang mas pinaigting na police visibility, mobile patrols at strategic checkpoints, partikular sa mga lugar na posibleng daanan ng mga iligal na paputok at explosive materials.
Aniya, 44 araw na lamang bago ang Pasko at 51 araw bago ang Bagong Taon kaya mahalagang maagap na kumilos ang kapulisan katuwang ang mga lokal na pamahalaan, force multipliers, stakeholders at mamamayan.
Sa isinagawang imbestigasyon sa Malasiqui, natukoy ng kapulisan ang mga paglabag sa iligal na pagawaan at kasalukuyan nang gumagawa ng kaukulang hakbang hinggil dito.
Binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagsunod sa mga protocol at safety tips, lalo na para sa mga nagbebenta at gumagawa ng paputok, dahil buhay ang nakataya sa ganitong gawain.
Katuwang din ng Philippine National Police ang Bureau of Fire Protection sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga pagawaan at bentahan ng paputok.
Sa ngayon, wala pang naitatala ang PRO1 na iba pang iligal na pagawaan sa Region 1 maliban sa Malasiqui at umaasa ang pamunuan na wala nang maitatalang panibagong kaso.
Nanawagan naman ang PRO1 sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kapulisan o itawag sa Unified 911 ang anumang kahina-hinalang bentahan o paggawa ng iligal na paputok sa kanilang lugar.







