Dagupan City – Nagbunga ang pagsusumikap ng 365 benepisyaryo sa bayan ng San Quintin matapos nilang opisyal na matanggap ang kanilang sahod mula sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Ang naturang pamamahagi ng sweldo ay pabuya sa nakumpletong 20-araw na pagtatrabaho ng mga benepisyaryo noong nakaraang buwan ng Oktubre, kung saan sila ay nag-ambag sa iba’t ibang serbisyong pampamayanan at pagpapanatili ng kalinisan sa bayan.
Ang programang ito ay matagumpay na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Pamahalaang Bayan ng San Quintin.
Layunin nitong magkaloob ng pansamantalang pangkabuhayan at karagdagang tulong-pinansyal para sa mga displaced, underemployed, at disadvantaged workers sa komunidad.
Sa pamamagitan ng patuloy na inisyatibong ito, nananatiling prayoridad ng lokal na pamahalaan at ng DOLE ang pagbibigay ng suporta at oportunidad sa mga kwalipikadong residente upang maibsan ang pang-araw-araw na gastusin ng kanilang mga pamilya.










