Dagupan City – Nakatanggap na ng kanilang monthly allowance ang 935 municipal scholars sa Mangaldan, Pangasinan para sa buwan ng Nobyembre.
Isinagawa ang payout noong Nobyembre 5, 2026 sa third floor ng Municipal Hall. Pinangasiwaan ang pamamahagi ng scholarship payout ng tanggapan ng Municipal Planning and Development Coordinator katuwang ang ilang kawani mula sa Community Affairs Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa kabuuang bilang, 600 ang high school scholars na tumanggap ng 1,200 piso bawat isa bilang suporta sa edukasyon. Habang 335 naman ang college scholars na tumanggap ng 2,000 piso bawat isa para sa nasabing buwan.
Ang halaga ay bahagi ng buwanang tulong na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga iskolar ng bayan.
Ipinahatid sa mga iskolar ang paalala na bigyang prayoridad ang pagtatapos ng pag-aaral at maging mabuting halimbawa bilang mag-aaral.
Binigyang-diin na ang tulong pinansyal ay naglalayong makatulong sa mga gastusin sa pag-aaral ng mga benepisyaryo.
Patuloy ang pagpapatupad ng scholarship program ng lokal na pamahalaan para sa mga estudyanteng Mangaldanian.
Layunin ng programa na mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilya at matiyak na makapagpapatuloy sa pag-aaral ang mga kabataang benepisyaryo hanggang sa makatapos.










