Dagupan City – Mas pinalakas pa ng Lokal na Pamahalaan ng Tayug ang mga inisyatibo para sa kalinisan, seguridad sa pagkain, at pangkalahatang pag-unlad ng pamayanan matapos opisyal na ilunsad ang programang “Clean and Green Gulayan sa Barangay.”
Layunin ng programa na hikayatin ang bawat barangay na maging mas malinis, maayos, at luntian sa pamamagitan ng pagtatatag ng sariling mga gulayan.
Bilang paunang suporta sa mga barangay, ipinamahagi sa naturang aktibidad ang mga libreng binhi, pampataba, at iba pang kagamitang pangkabuhayan na kinakailangan sa pagtatanim.
Kasabay nito, inihayag din ang isang paligsahan na magbibigay-gawad at pagkilala sa mga barangay na magpapamalas ng pinakamaganda, pinakamalinis, at pinakamaayos na kapaligiran.
Bukod sa pamimigay ng mga kagamitan sa pagtatanim, nagkaroon din ng talakayan ukol sa mga pangunahing usapin at pangangailangan ng bawat komunidad upang lalo pang mapatibay ang ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng mga kapitan at ng pamahalaang lokal.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaang lokal sa lahat ng mga residente na magtulungan at makiisa sa mga proyektong naglalayong protektahan ang kapaligiran at pagbuklurin ang buong komunidad para sa mas maunlad na kinabukasan.










