Napinsala ang isang administrative building ng state-owned oil company na Saudi Aramco sa Riyadh, Saudi Arabia, matapos tamaan ng mga nahulog na debris kasunod ng tangkang pag-atake nitong Linggo.
Ayon sa Energy Ministry ng Saudi Arabia, limitado lamang ang pinsala at walang naiulat na nasawi o nasugatan.
Ilang palapag naman ng Aramco Tower sa King Abdullah Financial District ang nagkaroon ng mga basag na salamin.
Naganap ang insidente matapos iulat ng Saudi-led coalition na naharang nito ang dalawang cruise missile na pinakawalan ng Iran-aligned Houthi rebels mula Yemen patungo sa Riyadh at katimugang bahagi ng kaharian.
Bago ito, nakarinig ng magkakasunod na malalakas na pagsabog sa kabisera matapos maglabas ng early-warning alert ang Saudi Civil Defense dahil sa posibleng banta.
Kalaunan, inanunsiyo ng mga awtoridad na wala nang panganib sa lugar.
Nagpapatuloy naman ang mga pag-atake ng Houthi gamit ang mga missile at drone laban sa mga paliparan, pantalan at pasilidad ng langis sa Saudi Arabia mula nang muling sumiklab ang labanan noong Hulyo, kasunod ng mas malawak na sigalot sa Middle East.










