Nananatiling zero o wala pang naitatalang opisyal na pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Pangasinan dulot ng El Niño.
Ito ay kahit tatlo na sa apat na probinsya sa buong Rehiyon 1 ang nagsumite ng kani-kanilang damage report na umaabot sa halos 288 milyon pesos.
Sa isang panayam, inihayag ni Julius Briones, Alternate Focal Person ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) ng Department of Agriculture Regional Field Office 1 (DA RFO1), na na-delay lamang aniya ang pagsusumite ng datos mula sa Pangasinan dahil sa mabilis na pagpapalit ng panahon.
Bago pa man kasi ganap na makapag-transition ang probinsya mula sa matinding epekto ng habagat at sunod-sunod na bagyo noong mga nakaraang buwan ay pumasok na agad ang El Niño, kaya kakasimula pa lamang ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang validation at damage assessment.
Pinawi naman ni Briones ang pangamba ng publiko at sinabing patuloy ang koordinasyon ng DA sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Office of the Provincial Agriculturist ng Pangasinan.
Saas nito na inaasahang lalabas ang mas kompletong datos sa lalawigan ngayong linggo o sa susunod na linggo sa tulong ng El Niño Validation Team.
Sa kasalukuyan, wala ring alinmang bayan o lungsod sa 3 lalawigan na apektado ang nagdeklara ng State of Calamity.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan din ang DA sa National Irrigation Administration (NIA) upang matukoy ang mga vulnerable areas sa Pangasinan—partikular ang mga magsasakang nasa dulo o tail-end ng mga kanal ng irigasyon—upang agad na maiposisyon ang mga kinakailangang interbensyon.
Upang mas maging matatag ang mga magsasaka sa lalawigan laban sa epekto ng dry spell, ipinapatupad ng DA RFO1 ang patuloy na capacity building ukol sa early warning systems at modernong teknolohiya, pati na ang retooling ng Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS) para sa mabilis na pag-encode ng datos at tamang pest identification.
Isinusulong din ang crop diversification o Palayamanan Concept sa mga rainfed areas upang magtanim ng high-value crops tulad ng munggo, sibuyas, at pakwan kapag tagtuyot sa halip na magpalay.
Bukod dito, patuloy ang pagtatayo ng mga rainwater harvesting facilities at pagre-rehistro ng mga magsasaka sa RSBSA upang makakuha ng direktang tulong at access sa mga credit program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).










