Magsasagawa ng dalawang araw na kilos-protesta ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang progresibong grupo sa Nobyembre 16 at 17 kasabay ng inaasahang pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Leaders’ Summit.
Ayon kay KMU Chairperson Jerome Adonis, hindi lamang ang pagbisita ni Trump ang dahilan ng kanilang pagtutol kundi maging ang mga patakarang pang-ekonomiya at panlabas ng Estados Unidos na aniya’y may malaking epekto sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Iniuugnay rin ni Adonis ang kanilang protesta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na aniya’y pinalala ng mga sigalot at digmaan sa ibang bansa. Iginiit niyang hindi dapat pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga patakarang maaaring magdagdag sa pasanin ng mamamayan.
Kabilang din sa kanilang tinututulan ang Pax Silica initiative na suportado ng Estados Unidos dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa mga lupang sakahan, karapatan ng mga komunidad at lokal na ekonomiya.
Gayunman, nilinaw ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang nakatakdang anunsyo tungkol sa pagtatatag ng Pax Silica Economic Security Zone sa ASEAN Summit at isasagawa muna ang masusing konsultasyon sa pamahalaan ng Pilipinas at mga stakeholder.
Sinabi naman ni Adonis na makikiisa sa mga protesta ang iba’t ibang sektor, kabilang ang kabataan, kababaihan, transport workers, mga propesyonal, akademiko at mga katutubo.
Binigyang-diin din ng KMU na isasagawa ang kanilang mga pagkilos sa mapayapa at makabuluhang paraan bilang bahagi ng karapatan ng mga Pilipino na magpahayag ng pagtutol sa mga patakaran ng pamahalaan.










