Nasawi ang isang miyembro ng Philippine Air Force matapos bumangga ang minamaneho niyang kotse sa isang pader sa Barangay Caoayan Kiling, San Carlos City.
Naganap ang aksidente pasado alas-dos ng madaling araw habang binabaybay ng biktima ang nasabing kalsada patimog.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Carlos City Police Station, nawalan umano ng kontrol ang biktima sa minamanehong sasakyan bago ito bumangga sa isang pader, na nagdulot ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad siyang isinugod ng rumespondeng ambulansya ng lokal na pamahalaan ng Urbiztondo sa isang ospital sa Barangay San Pedro-Taloy, San Carlos City, subalit idineklara rin siyang patay ng attending physician.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye at dahilan ng aksidente.










