
Mananatiling vigilant ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at magbabase sa mga lalabas na datos habang patuloy nitong sinusuri ang epekto ng mga kaganapan sa Middle East at ang umiiral na El Niño sa inflation at ekonomiya.
Nabatid na umakyat sa 7.8 porsiyento ang year-on-year headline inflation noong Oktubre mula sa 7.2 porsiyento noong Setyembre, na pumasok naman sa 7.1 hanggang 8.1 porsiyentong pagtaya ng ahensya.
Ang panibagong pagtaas na ito ay naaayon sa inaasahan ng central bank na mananatiling mataas ang antas ng implasyon sa mga susunod na buwan sa bansa.
Pangunahing nagtulak sa pag-angat ng mga presyo ang pagtaas ng lokal na presyo ng langis at pamasahe sa transportasyon sa buong kapuluan.
Dahil dito, umabot sa 5.6 porsiyento ang average headline inflation sa unang sampung buwan ng 2026, na lumagpas sa full-year target na 3.0 porsiyento at sa tolerance range na humigit-kumulang 1 percentage point.
Pumalo naman sa 5.4 porsiyento ang core inflation noong Oktubre mula sa 4.8 porsiyento noong Setyembre matapos itanggal ang pabago-bagong presyo ng pagkain at enerhiya.
Samantala, umakyat din sa 9.5 porsiyento ang inflation para sa pinakamahirap na 30 porsiyento ng mga sambahayan sa bansa kumpara sa naitalang 9.0 porsiyento noong nakaraang buwan.







