Nagpahayag ng suporta ang Joint List, isang alyansa ng mga partidong pinangungunahan ng mga Arabong mamamayan sa Israel, kay opposition leader Gadi Eisenkot upang pagkatiwalaan sa pagbuo ng susunod na pamahalaan ng bansa kasunod ng resulta ng katatapos na parliamentary elections.

Sa pahayag ng Joint List nitong Nobyembre 5, sinabi nitong pormal nilang irerekomenda kay Israeli President Isaac Herzog si Eisenkot bilang susunod na punong ministro. Unanimous umano ang naging desisyon ng kanilang mga kinatawan matapos ang konsultasyon ng mga bumubuo sa alyansa.

Nakapagtala ng rekord na 19 na puwesto sa 120-member Knesset o parliyamento ng Israel ang mga partidong pinamumunuan ng mga Arabong mamamayan, kung saan 11 ang hawak ng Joint List at walo naman ng Ra’am party. Kapag isinama sa 48 puwestong hawak ng oposisyon, inaasahang makakakuha si Eisenkot ng suporta mula sa 67 mambabatas, lampas sa 61 na kinakailangan para sa mayorya.

--Ads--

Samantala, nananatili sa 53 puwesto ang bloc ni incumbent Prime Minister Benjamin Netanyahu, habang tumanggi namang magrekomenda ng sinumang kandidato ang United Torah Judaism, na matagal nang kaalyado ng kaniyang administrasyon. Gayunman, hindi pa nangangahulugan ang suporta ng Joint List at Ra’am na awtomatiko silang magiging bahagi ng bubuuing koalisyon ni Eisenkot, lalo’t may mga pagtutol pa sa naturang alyansa.