Isang 15-anyos na estudyante ang nasugatan matapos mapagkamalang target ng pananaksak ng isang 18-anyos na lalaki na dati umanong may alitan sa isa sa mga kasama ng biktima sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Ayon kay Police Major Mark Joel Medios, Deputy Chief ng Lingayen Police Station, naglalakad ang biktima kasama ang ilang kaklase at iba pang testigo matapos manggaling sa paaralan sa Pangasinan State University Lingayen nang mangyari ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang isa sa mga testigo at ang suspek ang may dati nang hindi pagkakaunawaan. Ang testigo umano ang nais saktan ng suspek, ngunit ang 15-anyos na biktima ang napuruhan.
Gumamit umano ang suspek ng basag na bote ng Mountain Dew at itinarak ito sa likod ng biktima.
Samantala, sinabi ni Medios na patuloy ang koordinasyon ng pulisya sa mga paaralan sa Lingayen upang maiwasan ang kaparehong insidente. Kabilang dito ang regular na pagbibigay ng mga lecture tungkol sa anti-bullying, crime prevention at anti-drug awareness.
Dagdag pa niya, may mga pulis na nakatalaga sa mga paaralan tuwing umaga, tanghali at hapon upang magbantay sa pagpasok at paglabas ng mga estudyante. Kasama rin sa pagbabantay ang mga opisyal at tanod ng barangay.
Nanawagan din ang opisyal sa mga paaralan na higpitan ang pagbabantay sa mga pumapasok, kabilang ang pag-inspeksiyon sa mga gamit ng mga estudyante upang maiwasan ang pagdadala ng mga patalim, kontrabando at iba pang bagay na maaaring makapinsala sa loob ng paaralan.
Paalala naman niya sa mga kabataan na huwag padadala sa bugso ng galit dahil maaaring pagsisihan ang mga desisyong nagawa sa gitna ng matinding emosyon










