Hindi nagtatapos sa pagbibigay ng assessment ang tulong na inihahandog ng Department of Health (DOH) Drug Treatment and Rehabilitation Center sa mga Persons Deprived of Liberty o PDL na may kaugnayan sa paggamit ng ipinagbabawal na droga. Sa halip, bahagi ito ng mas malawak na proseso ng rehabilitasyon na naglalayong tulungan silang makabangon, magkaroon muli ng tiwala sa sarili, at makapaghanda sa pagbabalik sa kanilang pamilya at komunidad.

Ayon kay Dr. Mary Ann D. Montemayor, isa sa mga service provider ng BJMP Dagupan City Male Dorm, tumatanggap ang kanilang pasilidad ng mga PDL na ipinadadala ng BJMP Dagupan para sumailalim sa assessment at matukoy kung anong uri ng rehabilitasyon ang angkop sa kanilang pangangailangan.

May tatlong pangunahing programang ipinagkakaloob ang center: inpatient residential program, outpatient program at aftercare program. Sa mga programang ito, layunin nilang maibigay ang kinakailangang suporta hindi lamang habang sumasailalim sa rehabilitasyon ang isang indibidwal, kundi maging sa proseso ng kanyang pagbabalik sa pamilya at lipunan.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Dr. Montemayor na hindi lamang iisang aspeto ng buhay ang tinututukan sa kanilang therapeutic program. Kabilang dito ang psychological, medical, psychiatric, financial at legal na pangangailangan, gayundin ang suporta mula sa pamilya at komunidad.

Binigyang-diin ni Dr. Montemayor na mahalagang maunawaan ng publiko na ang mga taong sumasailalim sa rehabilitasyon ay nangangailangan din ng pagkakataong makapagbago at makapagsimula muli.

Sa pamamagitan ng patuloy na suporta, tamang paggabay at pagtanggap ng pamilya at komunidad, mas nagkakaroon sila ng pagkakataong maibalik ang tiwala sa kanilang sarili at maging produktibong bahagi ng lipunan.

Para sa DOH Drug Treatment and Rehabilitation Center, hindi dapat maging hadlang ang nakaraan ng isang tao upang hindi na siya mabigyan ng pangalawang pagkakataon.