Naghahanda na ang mga paaralan sa Dagupan City para sa inaasahang epekto ng super El Niño. Nagsagawa ng pagpupulong ang pamunuan ng Department of Education sa lungsod upang talakayin ang mga kailangang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng matinding init at posibleng kakulangan sa tubig.
Kasama sa pulong ang mga school heads at mga disaster risk reduction management coordinator ng bawat paaralan. Layunin ng pagpupulong na palakasin ang kaalaman sa pag-iwas sa mga sakit na dulot ng mataas na temperatura at kung paano matutugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig sa loob ng mga eskwelahan.
Tinalakay din sa pagpupulong ang mga paunang hakbang na dapat ipatupad ng bawat paaralan tulad ng pagtiyak ng sapat na inuming tubig, maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan, at pag-alam sa mga dapat gawin sakaling makaranas ng heat-related illness ang mga estudyante. Kasama rin sa pinaghandaan ang pagpapaigting ng information drive kaugnay sa kalusugan.
Inaasahang maglalabas ng karagdagang gabay ang kagawaran para sa lahat ng pampublikong paaralan upang maging handa sa anumang epekto ng matinding tag-init. Binigyang-diin na mahalaga ang maagap na paghahanda upang maiwasan ang pagkaantala ng klase at mapangalagaan ang kapakanan ng buong komunidad ng paaralan.










