Umabot sa mahigit 7,000 katao ang dumagsa sa anim na sementeryo sa Mangaldan, Pangasinan nitong Nobyembre 1, kasabay ng paggunita ng Undas 2026.
‎
‎Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Mangaldan ng Mangaldan na si Rodolfo Corla, maayos at mapayapa ang pangkalahatang daloy ng paggunita sa kabila ng dami ng bumisita, dahil sa maagang paghahanda at pinahigpit na pagbabantay.
‎
‎Kabilang sa mga binantayang sementeryo ang Municipal Cemetery, Catholic Cemetery, Pax Eterna, Pyramid, Forest Lake at ang sementeryo sa Barangay Nabaluan. Bukod pa rito, tinatayang nasa 5,000 hanggang 6,000 ang dumalaw pa noong Nobyembre 2.
‎
‎Batay sa tala ng ahensya, mas mataas ang bilang ngayong taon kumpara noong nakaraang taon dahil sa mas maayos na lagay ng panahon. Isang minor na insidente lamang ang naitala noong Nobyembre 1 at walang naiulat na kaso ng pagkahilo.
‎
‎Naka-deploy ang pinagsanib na puwersa ng MDRRMO, pulisya, Bureau of Fire Protection, Rural Health Unit, at traffic enforcers simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2. Mahigpit ding ipinatupad ang pagbabawal sa pagdadala ng baril, matatalas na bagay at alagang hayop sa loob ng sementeryo para sa kaligtasan ng publiko.