Bago ituring na tunay na kababalaghan o paranormal activity ang isang kakaibang karanasan, mahalagang suriin muna kung ito ay may kinalaman sa estado ng pag-iisip o sa natural na galaw ng utak ng tao.
Ito ang binigyang-diin ni Dr. Argel Masanda, isang Psychologist, kung saan ipinaliwanag niyang may kakayahan ang utak ng tao na gumawa ng mga bagay-bagay batay lamang sa sariling imahinasyon.
Ayon kay Dr. Masanda, ang ilan sa mga inakalang kababalaghan ay maaaring sintomas lamang ng hallucination o delusion na senyales ng isang malalang mental disorder o psychosis.
Ipinaliwanag din niya ang tinatawag na Pareidolia—isang natural na psychological phenomenon kung saan ang utak ay kusang naghahanap ng mga pattern sa mga random stimulus sa paligid.
Dahil dito, madalas ay nakakakita ang isang tao ng mga hugis ng mukha o pigura sa dilim o sa mga bagay-bagay at mabilis itong iniuugnay sa multo o kababalaghan gamit ang top-down thinking.
Inilahad din ng eksperto na malaki ang epekto ng pisikal at emosyonal na estado sa pagkakaroon ng perceptual disturbances.
Ang kakulangan sa tulog (sleep deprivation), matinding stress, gutom, labis na kalungkutan, at pangungulila ay maaaring magdulot ng hallucinations kahit sa taong walang psychiatric disorder dahil sa kawalan ng sapat na nutrisyon at enerhiya ng utak upang magproseso ng tamang impormasyon.
Bagamat sinusuri sa pamamagitan ng agham, pinabulaanan ni Dr. Masanda na hindi agad na ini-invalidates ng Sikolohiyang Pilipino ang mga paniniwalang paranormal.
Aniya, parte ng identidad ng Pilipino ang mga kwentong-bayan at folklore tulad ng sapi, kulam, tikbalang, at manananggal.
Samantala, naniniwala rin siya na kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng agham at relihiyon.
Aniya, kapag na-rule out na ang lahat ng medikal at sikolohikal na dahilan at may mga kakaibang pangyayari pa rin, doon na pumapasok ang tulong ng mga exorcist ng simbahan.
Ipinaliwanag din nito na kung makikita ng mga exorcist na hindi ito demonic o paranormal, ang interbensyon ng psychiatrist at psychotherapy ng isang psychologist ang kinakailangan ng indibidwal.










