Nilinaw ng National Authority for Child Care (NACC) RACC 1 na pansamantala lamang ang foster care at hindi ito kapareho ng adoption na permanente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Atty. Dexter P. Miranda na ang foster care, sa ilalim ng Foster Care Act of 2012 at RA 11642, ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng planado at pansamantalang pag-aaruga ng mga lisensyadong foster parents sa mga batang inabandona, sinuko, naulila at biktima ng pang-aabuso.
Aniya, ang adoption ay permanent placement kung saan legal na naililipat ang parental authority sa adoptive parents, habang ang foster care ay temporary lamang na karaniwang tumatagal ng anim na buwan hanggang isang taon at maaaring ma-renew. Kung nasa pangangalaga na ng foster parent ang bata ng pitong taon at hindi na maibabalik sa biological family, maaari nang mag-apply ng long-term foster placement authority kung pumayag ang batang sampung taong gulang pataas.
Ibinahagi naman ni Ms. Cristina Lagunilla ang mga benepisyo ng pagiging foster parent at foster child. Aniya, bukod sa counseling at supervisory visit, ang foster children ay nakakatanggap ng monthly subsidy na tulong para sa pangangailangan ng bata, lalo na kung may medical treatment. Nilinaw niyang hindi ito sahod ng foster parents. Awtomatiko rin silang nagiging beneficiary ng PhilHealth ng foster parents. Mayroon ding support group kung saan nagsasama-sama ang foster at adoptive families para magbahagi ng karanasan.
Kaugnay naman sa tanong kung puwedeng tumuloy mula foster care patungong adoption, sinabi ni Lagunilla na mas mabuting tahakin agad ang adoption process kung talagang nais mag-ampon. Gayunpaman, maaari pa ring mag-apply bilang adoptive parent ang isang licensed foster parent sa pamamagitan ng regular na proseso.
Tinalakay din ang kinship care para sa mga magulang na mag-aabroad at naghahanap ng mapag-iiwanan ng anak. Maaaring iwan ang bata sa lolo, lola o kapatid na 21-anyos pataas na siyang substitute parental authority ayon sa Family Code. Kung wala sila, maaaring hanapan ng kamag-anak hanggang fourth degree of consanguinity na pwedeng bigyan ng legal authority sa pamamagitan ng kinship care. Kung wala talagang kamag-anak, maaaring idulog sa Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) upang mailagay ang bata sa licensed foster family matapos ang assessment.
Tinitiyak naman na namo-monitor ang mga foster families sa pamamagitan ng bi-monthly supervisory visit ng mga social workers upang kumustahin ang kalagayan ng bata at matiyak na para sa best interest nito ang placement.
Pinaalalahanan din ni Lagunilla ang mga magulang na nais ipaampon ang anak na hindi pwede ang walk-in na dala ang gamit at iiwan na lamang ang bata. Kailangang lumapit sa LSWDO, sumailalim sa assessment, counseling at mabigyan ng social services. Hindi aniya kahirapan o poverty ang dahilan para ipaampon ang bata at may LGU na handang tumulong.
Kung na-assess na walang kakayahan ang magulang, kailangan nilang pirmahan ang Deed of Voluntary Commitment sa harap ng social worker upang isurrender ang bata sa gobyerno para maampon.
Kapag legally adopted na at may Order of Adoption at Certificate of Finality na, hindi na maaaring bawiin ng biological parents ang kustodiya. Permanente na ito sa adoptive family. Ngunit kung CDCLAA pa lamang o pinoproseso pa lamang ang adoption at bumalik ang magulang, maaari silang mag-file ng petition para ma-restore ang parental authority.
Kaugnay naman sa adoption telling, dapat alam ng batang ampunin ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan at kung saan siya nagmula, ngunit adoptive parents ang dapat mag-disclose nito, hindi ang mga workers.










