Pinaalalahanan ng National Authority for Child Care (NACC) Regional Alternative Child Care Office 1 (RACC 1) ang publiko na sampung taon lamang ang buhay ng Republic Act 11222 o Simulated Birth Rectification Act.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Ms. Cristina B. Lagunilla, Social Welfare Officer ng NACC RACC 1, na ang batas na ito ay ginawa para tulungan ang mga batang may pekeng dokumento o simulated birth certificate kung saan ipinangalan sila sa hindi naman nila tunay na magulang.

Ayon kay Lagunilla, hindi lahat ng may pekeng birth certificate ay awtomatikong makakadaan sa batas na ito dahil mayroong pre-conditions.

--Ads--

Una, dapat nasa pangangalaga na ng petitioner o nag-aampon ang bata mula pa noong March 2016 or earlier. Pangalawa, dapat nairehistro ang simulated birth certificate bago pa ang March 28, 2019.

Ang batas ay naisabatas noong March 29, 2019 at magtatapos sa March 29, 2029.

Nilinaw ni Lagunilla na kung mayroong mga ongoing petitions na inabutan ng pagtatapos ng batas ay itutuloy pa rin ang pagproseso. Ngunit ang mga mahuhuling mag-file matapos ang March 29, 2029 ay kailangang bumalik sa dating judicial process kung saan kakanselahin muna sa korte ang pekeng birth certificate bago magproseso ng adoption sa ilalim ng RA 11642.

Kaugnay naman sa proseso, kapag na-finalize na ang adoption at mayroon nang Order of Adoption at Certificate of Finality, saka pa lamang kakanselahin ang simulated birth certificate sa Local Civil Registrar (LCR) at ise-seal ito. Pagkatapos ay ire-rehistro ang new birth certificate na nakapangalan na sa adoptive parents, na nangangahulugan ng legal na relasyon.

Mas mabilis aniya ang proseso sa RA 11222 na tumatagal lamang ng dalawa hanggang tatlong buwan kung kumpleto ang documentary requirements, kumpara sa anim hanggang siyam na buwan sa ilalim ng RA 11642.

Samantala, ang mga foreign nationals naman ay maaaring mag-file sa ilalim ng RA 11222 basta kasal sila sa isang Filipino, itinuring na sariling anak ang bata, at nanirahan sa Pilipinas ng tatlong magkakasunod na taon.