Mga Kabombo! Isa rin ba kayo sa kamot is life para marelax?

Isa kasing kakaibang uri ng salon ang pinag-uusapan ngayon sa China matapos mag-alok ng serbisyong banayad na pagkakamot sa katawan bilang paraan ng pagpaparelax at pagtanggal ng stress.

Ito ang naisip na negosyo ng 32-anyos na si Zhang Xiaochao matapos mapanood ang isang video online kung saan kinakamot ng isang babae ang likod ng kaniyang asawa.

Nakuha rin niya ang ideya mula sa mga komento ng mga netizen na nagsabing handa silang magbayad para lamang maranasan ang ganoong serbisyo.

Ayon kay Zhang, naalala niya ang kaniyang pagkabata kung saan nakatutulong sa kaniya ang marahang pagkakamot ng kaniyang ama sa kaniyang likod upang siya ay makatulog.

Sa naturang salon, hihiga lamang ang mga kustomer habang marahang kinakamot ng mga empleyadong may suot na espesyal na plastik na kuko ang kanilang katawan.

Nagkakahalaga naman ng 300 yuan o katumbas ng humigit-kumulang 41 dolyar ang isang oras na serbisyo, na ayon kay Zhang ay naglalayong makatulong sa pagpapababa ng stress at pagpapaganda ng kalidad ng pagtulog.

Nagsimula lamang ang negosyo noong Mayo ngunit mayroon na itong dalawang sangay na kapwa kumikita umano ng tinatayang 100-libong yuan kada buwan.

Dahil dito, plano ni Zhang na magbukas pa ng 100 bagong sangay sa iba’t ibang bahagi ng China at isulong na maging kinikilalang hanapbuhay ang naturang serbisyo.