Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang 11,391 proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng kabuuang P459.262 bilyon dahil sa mga kontratistang kuwestiyonable ang kakayahang pinansyal na tapusin ang mga proyekto.

Batay sa audit report ng COA, hindi kumpleto ang deklarasyon ng ilang kontratista sa kanilang mga kasalukuyang kontrata at mga proyektong naipagkaloob na ngunit hindi pa nasisimulan.

Dahil dito, lumabas na mas mataas ang kanilang kakayahang tumanggap ng karagdagang kontrata kaysa sa aktuwal nilang kapasidad.

Natukoy din ng COA na 198 kontratista ang nabigyan ng maraming kontrata kahit hindi pa natatapos ang kanilang mga naunang proyekto.

Ayon sa komisyon, nang pagsama-samahin ang halaga ng mga kontratang ipinagkaloob sa mga naturang kontratista, lumampas na ang mga ito sa kanilang natitirang kakayahang pinansyal.

Dahil dito, kinuwestiyon ng COA ang proseso ng pagsusuri sa pinansyal na kwalipikasyon ng mga kontratista at ang pagiging maaasahan ng kanilang mga deklarasyon.