Itinuturing ng grupong Rise Up for Life and for Rights na mahalagang hakbang tungo sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng kampanya kontra droga ang huling status conference ng International Criminal Court (ICC) bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rubylin Litao, Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sinabi nitong nagbibigay ng pag-asa sa mga pamilya ng mga biktima ang pag-usad ng proseso sa ICC, partikular ang pagtalakay sa iskedyul ng paglilitis at paghahanda sa mga testigong ihaharap ng prosekusyon.
Ayon kay Litao, mahalagang indikasyon ito na nagpapatuloy ang proseso ng ICC kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na kinakaharap ng dating pangulo.
Bagama’t nakatuon sa mga teknikal na usapin at iskedyul ang naging talakayan sa status conference, ikinatuwa umano ng grupo ang kumpirmasyong naihahanda na ang mga testigo na magbibigay ng testimonya sa paglilitis.
Aniya, nangangahulugan din ang pagtatapos ng mga pagdinig bago ang trial proper na naghahanda na ang magkabilang panig para sa susunod na yugto ng proseso.










