Bumaba ang produksyon ng palay sa bansa sa third quarter at sa unang siyam na buwan ng taon batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), at inaasahang bababa pa dahil sa mataas na gastos sa produksyon at epekto ng El Niño.
Ito ang inihayag ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Estavillo, nananawagan ang mga magsasaka ng production subsidy dahil sa pagtaas ng presyo ng abono, pestisidyo, renta sa makinarya at langis bunsod umano ng giyera sa Middle East. Aniya, nanawagan din silang ibasura ang excise tax sa langis ngunit hindi ito ginawa ng pamahalaan.
Dahil dito, nagtitipid na ang mga magsasaka — kung dating 5 hanggang 7 bags ng abono ang inilalagay, hindi na nila ito nasusunod at marami ang lumipat sa sabog-tanim para makatipid sa gastos sa pagtatanim, na nakaapekto sa average yield.
Idinagdag pa ni Estavillo ang matinding epekto ng El Niño noong kalagitnaan ng 2026 kung saan nag-abiso ang NIA sa Cagayan na “plant at your own risk” dahil nasa kritikal na kondisyon ang tubig sa Magat Dam. Marami pa ring nagtanim ngunit nasalanta ng bagyo at habagat noong Hulyo-Agosto na nagdulot ng P3.4 milyong metrikong tonelada ng pinsala sa pananim.
Anya, walang naibigay na kompensasyon ang gobyerno at hindi lahat ng magsasaka na nasa RSBSA ang nakatanggap ng oil subsidy.
Binatikos din ni Estavillo ang papel ng National Food Authority (NFA) na aniya ay buffer stocking na lamang sa ilalim ng RA 11203 at wala pang 3 porsyento lamang ng produksyon ang nabili, at karamihan ay hindi direkta sa magsasaka kundi sa traders dahil sa kakayahan nilang magpatuyo ng 14 percent at magdala sa warehouses.
Giit ng Bantay Bigas, dapat ay 20 hanggang 25 porsyento ng national production ang bilhin ng NFA sa subsidized price at magtayo ng buying stations sa mga barangay, at bayaran ng cash at hindi tseke.
Babala ni Estavillo, kung magpapatuloy ang mataas na gastos at pag-asa sa import na aabot sa mahigit 5 milyong metrikong tonelada, lalala ang trade deficit na papasanin ng taumbayan sa pamamagitan ng buwis at nanganganib ang food security.
Panawagan ng grupo ang P200 bilyong production subsidy — P150 bilyon para sa 3 milyong rice farmers at P50 bilyon para sa makinarya tulad ng harvester, tractor, dryer at solar-powered irrigation na pamamahalaan ng farmers organizations, partikular ang mga kababaihang na-displace dahil sa land use conversion. Aniya, may resolusyon na ang Makabayan bloc sa Kongreso para dito at kayang pondohan mula sa unprogrammed funds at insertions sa 2027 budget.










