Naka-Red Alert Status ang Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda at pagtugon sa mga posibleng insidente ngayong Undas 2026.
Ayon kay FSINSP Kinber-Ann B. Combate, Provincial Chief ng Public Information Section ng BFP Pangasinan, unang ipinatupad ang Blue Alert Status noong Oktubre 28 hanggang 29, bago itinaas sa Red Alert Status mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.
May kabuuang 829 tauhan ng BFP kung saan ay itinalaga ang ilan sa mga terminal at sementeryo habang 40 ay nasa Emergency Operations Center.
Naglagay rin ang ahensya ng First Aid Service Stations sa lahat ng bayan sa Pangasinan upang agad na makatugon sa mga nangangailangan ng tulong.
Hinikayat naman ni Combate ang publiko na gamitin ang mga lokal na emergency hotline sa oras ng pangangailangan, na maaari umanong tawagan nang walang bayad.
Nagpaalala rin ito sa mga bumibisita sa sementeryo na iwasang magsunog ng mga tuyong damo gaya ng talahib upang hindi pagmulan ng sunog at makapal na usok.
Pinayuhan din ang publiko na bantayang mabuti ang mga kandilang itinirik at tiyaking patay na ang mga ito bago umalis. Kung iiwan naman ang bahay, mainam na tanggalin sa saksakan ang mga electrical appliance at ipagbilin ang tahanan sa mga kapitbahay o pinagkakatiwalaang kamag-anak.
Sa datos ng BFP Pangasinan, nakapagtala ang ahensya ng apat na insidente ng sunog noong Undas noong nakaraang taon, kabilang ang dalawang residential fire na dulot ng unattended cooking at electrical overload, isang vehicular fire at isang rubbish fire sa sementeryo sa bayan ng Infanta.
Ngayong taon, hanggang Nobyembre 1, nakapagtala na ang BFP ng tatlong structural fire na patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi.
Kabilang sa mga karaniwang pinagmumulan ng sunog tuwing Undas ang mga naiiwang nakasinding kandila sa altar at sementeryo, gayundin ang mga electrical appliance na nakasaksak kahit walang tao sa bahay.










