Dagupan City – Nagsagawa ng Oplan Bandillo ang mga tauhan ng Bugallon Municipal Police Station sa Public Cemetery sa Barangay Poblacion bilang bahagi ng kampanyang Ligtas Undas 2026.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Rodolfo S. Labayo Jr., Chief of Police ng Bugallon MPS, layunin ng aktibidad na paalalahanan ang mga bibisita sa sementeryo, motorista at commuter na sundin ang mga alituntunin para sa kaligtasan at kaayusan ngayong Undas.
Kabilang sa mga ipinaalala ng kapulisan ang mahigpit na pagsunod sa listahan ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng sementeryo, gayundin ang pagsunod sa mga batas-trapiko at pag-iingat sa pagbiyahe upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at kahandaan sa pagtugon sa anumang emergency sa panahon ng paggunita ng Undas.
Hinimok naman ang publiko na tumawag sa 911 kung mangangailangan ng agarang tulong o emergency response.
Bahagi ang aktibidad ng kampanyang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas na nagtataguyod ng mabilis, tapat at nararamdamang serbisyo sa mamamayan.










