Nagpaalala ang Mapandan Police Station sa publiko na sundin ang tatlong mahahalagang safety reminders o 3S upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Ayon kay PMAJ Vincent Jasper B. Magsarili, Officer-in-Charge ng Mapandan Police Station, mahalagang tiyakin ng mga mamamayan ang seguridad ng kanilang mga tahanan at personal na gamit bago magtungo sa mga sementeryo.

Kabilang sa unang paalala ang “Secure” o pagsisiguro na nakakandado ang mga pinto, nakasara ang mga bintana, at nakapatay ang mga electrical appliances na hindi kailangang iwang bukas.

Pinapayuhan din ang publiko na ingatan ang kanilang mga bag, cellphone at iba pang mahahalagang gamit upang maiwasan ang pagnanakaw.

Ikalawa ang “Strengthen Road Safety and Follow Traffic Rules.” Hinikayat ang mga motorista na sumunod sa mga patakaran sa kalsada, gumamit ng mga itinalagang parking area, umiwas sa overspeeding at huwag magmaneho kung nakainom ng alak.

Pinayuhan din ang mga pedestrian na gumamit ng tamang tawiran at manatiling alerto habang tumatawid.

Ikatlo naman ang “Stay Alert” o pagiging mapagmatyag, partikular sa pag-aalaga sa mga bata sa mataong lugar, pagbabantay sa mga kahina-hinalang aktibidad at agad na paghingi ng tulong sa mga pulis kung kinakailangan.

Muli namang hinikayat ng Mapandan Police Station ang publiko na maging responsable at mapagmatyag sa buong panahon ng Undas.

Para sa agarang tulong o emergency, maaaring tumawag sa 911.

--Ads--