Nagsagawa na ng maximum deployment ang Bautista Municipal Police Station sa tatlong sementeryo sa bayan bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa paggunita ng Undas ngayong Nobyembre 1.

Ayon kay Police Captain Jerwin Cabreros, officer-in-charge ng Bautista Municipal Police Station, sinimulan na nila ang paglalagay ng mga tauhan sa mga sementeryo kahapon, katuwang ang mga force multiplier, barangay tanod at lokal na pamahalaan.
Nadagdagan din ang kanilang puwersa sa tulong ng Provincial Mobile Force Company, habang inaasahan pa ang karagdagang personnel mula sa regional office.

Sinabi ni Cabreros na bagama’t hindi gaanong mabigat ang daloy ng trapiko sa bayan, naghanda na rin sila ng rerouting scheme partikular sa sementeryo sa kalapit barangay, kung saan nakaranas ng pagsisikip ng trapiko noong nakaraang taon.

Samantala, ipatutupad din ang liquor ban simula alas-12 ng hatinggabi hanggang Nobyembre 2. Kabilang din sa mga ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo ang pagdadala ng baril at iba pang mapanganib na bagay.

Hinimok naman ni Cabreros ang publiko na tiyaking nakasara ang kanilang mga tahanan at ligtas ang mga kagamitang de-kuryente bago umalis.

Pinayuhan din ang mga bibisita sa sementeryo na huwag magdala ng mamahaling gamit at alahas, bantayang mabuti ang mga bata at magtakda ng lugar na pagkikita kung sakaling magkahiwalay.