Nakahanda na ang pamahalaang lokal ng Manaoag sa inaasahang pagdagsa ng libo-libong deboto at bisita sa sementeryo at simbahan sa kanilang nasasakupan ngayong Undas 2026.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, isang linggo nang naghahanda ang munisipalidad upang matiyak ang seguridad, kaayusan sa trapiko, at kalusugan ng mga dadalaw sa mga sementeryo at sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.

Nailatag na noong Huwebes pa ang mga command post at first aid station sa tatlong sementeryo sa bayan, kabilang ang pampublikong Catholic cemetery at dalawang pribadong sementeryo.

Magkatuwang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at militar sa pagpapanatili ng seguridad, kasama ang pagpapakalat ng mga bomb-sniffing dog (PNP-EOD) para sa inspeksyon at checkpoints sa mga pasukan.

Mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo ang pagpapasok ng mga baril, matutulis na bagay, alak, baraha, at anomang uri ng sugal.

Kasabay nito, nagpaalala rin ang alkalde sa publiko lalo na sa mga matatanda, bata, at may mga karamdaman na mag-ingat sa matinding init ng panahon upang maiwasan ang anumang aberya sa kalusugan.

Pinapayuhan ang mga bisita na iwasan ang pagpunta sa sementeryo mula 10:00 AM hanggang 3:30 PM at pumunta na lamang nang mas maaga o sa hapon, pati na ang pagdadala ng payong at sapat na inuming tubig laban sa dehydration.

Magiging full force din ang Rural Health Unit (RHU) at magkakaroon ng mga on-foot health responder na iikot sa loob mismo ng mga sementeryo.

Dahil sa pagdagsa ng mga bakasyonista mula Maynila at iba pang lalawigan ginawa na ring araw-araw ang misa sa hapon sa Basilica.

Sa usapin ng trapiko, walang ipapatupad na rerouting ngunit pinalagyan ng railing ang mga shoulder ng kalsada para sa mga sasakyan, habang ipinakiusap din sa mga drayber ng trailer truck na iwasan muna ang pagdaan sa sentro ng bayan.

Muling tiniyak ni Mayor Rosario na handang-handa ang buong pamahalaang lokal ng Manaoag upang maging ligtas, payapa, at makabuluhan ang paggunita ng Undas para sa lahat.