Iminumungkahi ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan ang pag-angat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR bilang isang ganap na kagawaran upang higit na mapalakas ang suporta ng pamahalaan sa industriya ng pangisdaan at aquaculture sa bansa.

Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng SAMAPA, makatutulong ang panukalang ito upang magkaroon ng mas malaking pondong nakalaan sa sektor ng pangisdaan sa halip na makihati pa ito sa budget ng Department of Agriculture.

Giit ni Sibayan, mahalagang mabigyan ng sapat na atensyon at suporta ang mga lokal na prodyuser, lalo na’t marami sa mga magbabangus ang nakadepende pa rin sa mga traders para sa pagbebenta at distribusyon ng kanilang produkto.

--Ads--

Kaugnay nito, hinimok din niya ang pamahalaan na palawakin ang direktang access ng mga prodyuser sa iba’t ibang merkado sa bansa, partikular sa mga landlocked areas o mga lugar na walang kakayahang magprodyus ng sariling suplay ng bangus.

Aniya, malaki ang potensiyal ng industriya ng aquaculture sa Pangasinan kung mapalalawak ang distribusyon ng mga lokal na produkto at mabibigyan ng mas maraming oportunidad ang mga magbabangus na maihatid ang kanilang produkto sa mas malawak na pamilihan.