Dagupan City – Masigla ang bentahan ng mga bulaklak sa Dagupan City ngayong Undas 2026, kasabay ng pagdagsa ng mga mamimiling naghahanda para sa paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon kay Caridad Pasaoa, isang flower shop owner, bahagyang tumaas ang presyo ng ilang bulaklak ngayong taon.

Nasa 350 pesos na ang isang piraso ng stargazer, habang 250 pesos naman ang presyo ng iba pang piling bulaklak.

Kabilang sa mga patok na binibili ng mga mamimili ang mga halamang nakatanim sa paso na karaniwang dinadala sa sementeryo, gayundin ang mga flower basket na nagkakahalaga ng 500 hanggang 1,500 pesos, depende sa uri at klase ng mga bulaklak.

Marami na rin umano ang nagpareserba ng kanilang mga order. Kung ikukumpara noong nakaraang taon, 2025, mas marami ang bumibili sa kanilang tindahan ngayon, na iniuugnay rin niya sa magandang lagay ng panahon na nakatulong upang dumami ang mga order.

Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili, 24 oras na bukas ang kanilang tindahan ngayong Undas, kumpara sa karaniwang araw na alas-siyete ng umaga sila nagsisimulang magbukas.