Mahigit sa 30 hanggang 50 na mga volunteer mula sa Philippine Red Cross (PRC) – Pangasinan Chapter ang nakahandang magbantay at magbigay-serbisyo sa darating na paggunita ng Undas 2026 simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Ayon kay Krismar Glen Brillantes, ang OIC ng PRC Pangasinan Chapter, taon-taon ay katuwang sila ng pamahalaang lokal sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga pangunahing lugar na paglalagyan ng mga Red Cross 143 volunteers ang Dagupan City, San Carlos City, Alaminos City, at Urdaneta City.
Bukod dito, magtatalaga rin ang ahensya ng mga tauhan sa mga pangunahing expressway upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa anumang saklolo o emergency sa kalsada.
Dahil inaasahan ang mainit na panahon ngayong Undas, magtatayo ang PRC ng mga first aid station na may kasamang welfare team.
Magbibigay rin sila ng libreng inuming tubig sa mga bibisita sa mga puntod.
Nagpaalala naman si Brillantes sa publiko na mag-ingat laban sa matinding init ng araw upang maiwasan ang mga heat-related emergency.
Batay sa tala ng PRC noong nakaraang taon, karamihan sa mga naitalang kaso ay mga minor cases lamang, partikular ang paglilinis at pag-didress ng mga sugat gayundin ang libreng pagpapasuri ng blood pressure (BP) para sa mga nakatatanda.
Hinimok din ni Brillantes ang mga mamamayan na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang mga naka-deploy na volunteers sakaling mangailangan ng tulong medikal.
Para sa mga agarang saklolo at untoward incidents, pinaalalahanan ang publiko na maaari silang tumawag sa Red Cross Hotline 143 sa anumang uri ng emergency.








