Dagupan City – Nakahanda ang Barangay Catablan sa Urdaneta City, Pangasinan na magbigay-pugay kay Capt. Raymart F. Cabangcala, isa sa apat na piloto ng Philippine Air Force na nasawi sa pagbagsak ng SF-260 aircraft sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 23, 2026.

Ayon kay Barangay Captain Ismael Sabala Jr., agad siyang nagpatawag ng emergency meeting kasama ang mga opisyal ng barangay matapos malaman ang nangyari kay Cabangcala upang paghandaan ang pag-uwi ng mga labi nito mula sa Villamor Air Base Mortuary.

Gayunman, sinabi ni Sabala na kailangan muna nilang makausap ang pamilya ng nasawing piloto bago ituloy ang planong pagbibigay-pugay sa kanilang barangay. Aniya, nauunawaan nila ang pinagdaraanan ng pamilya kaya igagalang nila ang anumang maging desisyon ng mga ito.

--Ads--

Inilarawan ni Sabala si Cabangcala bilang isang mabait, magalang at matalinong kabataan na hindi tumitingin sa estado ng buhay ng ibang tao. Naging valedictorian umano ito noong elementarya at high school bago makapagtapos ng kolehiyo bilang cum laude.

Ayon pa sa opisyal, hindi niya malilimutan ang paraan ng pagsaludo sa kaniya ni Cabangcala tuwing nagkikita sila sa barangay. Dahil dito, itinuring na rin niya itong sariling anak at labis na ikinalulungkot ang sinapit ng piloto.

Ibinahagi rin ni Sabala na nakipag-ugnayan na siya sa mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng paghahanda para sa pag-uwi ng mga labi ni Cabangcala. Gayunman, mananatili silang handa habang hinihintay ang pasya ng pamilya hinggil sa pagbibigay-pugay sa nasawing piloto.

Samantala, bandang alas-10:00 ng umaga ngayong Oktubre 30 nang dumating ang kanyang mga labi sa Urdaneta City National High School (Urdaneta City NHS), kung saan sinalubong siya ng kanyang mga kapamilya at kaanak na patuloy na nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw.

Kasama rin sa pagdating ng kanyang mga labi ang ilang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) na nagbigay-pugay bilang pagkilala sa kanyang naging serbisyo bilang piloto ng militar.

Mula sa paaralan, dinala ang kanyang mga labi sa St. Peter Chapel sa Urdaneta City kung saan siya kasalukuyang nakaburol at maaaring dalawin ng mga nais makiramay at magbigay-galang.

Nakatakda namang isagawa ang kanyang libing sa Nobyembre 5, 2026.

Nauna nang naiulat na nasawi si Cabangcala kasama ang tatlo pang piloto matapos magbanggaan sa himpapawid ang dalawang SF-260 training aircraft habang nagsasagawa ng pagsasanay sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas.

Patuloy na nagluluksa ang kanyang pamilya, at komunidad sa Urdaneta City sa pagkawala ng isang kababayang naglingkod sa bansa bilang piloto ng Philippine Air Force.