Dagupan City – Naka-full alert status na ang Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo at mga pasyalan kaugnay ng paggunita ng Undas 2026.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial Director Police Colonel Dennis De Leon, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng sampung motorsiklo mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na gagamitin ng Tourist Police sa pagpapatrolya at pagbabantay sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga turista.
Magkakaroon din aniya ng deployment ng mga police personnel at supervisors sa iba’t ibang lugar, gayundin ng pagsasagawa ng Oplan Bandillo ng bawat police station upang ipaalam sa publiko ang mga paalala at hakbang pangkaligtasan.
Kaugnay nito, nakatakda rin aniyang magpapatupad ng traffic rerouting, partikular sa ilang bahagi ng Binmaley, upang maayos ang daloy ng mga sasakyan.
Makikipagtulungan din ang PNP sa Philippine Red Cross para sa pagbibigay ng first aid assistance sa mga lugar na inaasahang maraming bibisita.
Samantala, pinayuhan ni De Leon ang publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago bumiyahe o magtungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang pagnanakaw at iba pang insidente.










