Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, hepe ng Lingayen Municipal Police Station, agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagkawala ng lalaki mula sa ospital.

Makalipas ang ilang oras, natagpuan ang biktima sa tabi ng Agno River. Kinilala itong residente ng Domalandan Center, Lingayen.

Batay sa paunang beripikasyon ng pulisya, may iniulat na suliraning pampamilya ang biktima at sinasabing may dinaranas ang biktima, ayon sa impormasyong nakalap mula sa pamilya. Gayunman, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at ang dahilan ng pagkawala nito mula sa ospital.

--Ads--

Sa paunang salaysay, inatasan umano ng biktima ang kanyang bantay na bumili ng gamot at naiwan nang sandali. Nang balikan, wala na ito sa lugar, dahilan upang maiulat ang pagkawala nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng Lingayen PNP upang matukoy ang mga pangyayari bago matagpuan ang biktima. Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang mga impormasyong may kaugnayan sa kalagayan nito bago ang insidente.

Samantala, pinaalalahanan ni Gonzales ang publiko na bigyang-pansin ang mga taong maaaring nakararanas ng suliraning pangkaisipan at tiyaking may sapat na paggabay at suporta ang mga ito, lalo na kung nangangailangan ng pangangalaga at pagbabantay.