Magpapatupad ng traffic rerouting scheme at maglalaan ng karagdagang parking area sa Mangaldan, Pangasinan, bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas.
‎
‎Ayon sa Public Order and Safety Office o POSO ng bayan, nakatakdang mag-deploy ng mga tauhan sa Oktubre 31 at Nobyembre 1 upang tumulong sa pamamahala ng trapiko at pagpapanatili ng kaayusan sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.
‎
‎Gagamitin din ang Mangaldan National High School bilang isa sa mga nakalaang pampublikong paradahan upang maibsan ang pagsisikip ng mga sasakyan sa paligid ng mga sementeryo.
‎
‎Batay sa Executive Order na inilabas noong Oktubre 22, pansamantalang ipatutupad ang pagsasara ng ilang kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko sa Nobyembre 1 at 2.
‎
‎Itinalaga ang Guilig Access Road bilang entry point, habang magiging eksklusibo sa mga pedestrian ang Jimenez Street. Kabilang naman sa mga itinalagang pampublikong paradahan ang St. Thomas Aquinas Parish Grounds, quadrangle ng Mangaldan National High School, at bakuran ng munisipyo.
‎
‎Layunin ng mga hakbang na mapagaan ang daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa panahon ng Undas.
‎
‎Pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga traffic sign at tagubilin ng mga awtoridad, at maglaan ng sapat na oras sa pagbiyahe upang maiwasan ang abala sa paggunita sa Araw ng Undas.