Naghahanda na ang Public Order and Safety Office o POSO ng Mangaldan, Pangasinan, sa paglalagay ng mga karatula para sa pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada kaugnay ng taunang Trick-or-Treat sa bayan.
‎
‎Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng POSO Mangaldan, isasara ang ilang bahagi ng kalsada alinsunod sa kautusan ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga dadalo sa aktibidad.
‎
‎Batay sa Executive Order No. 2026-076 na nilagdaan ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno, ipatutupad ang pansamantalang road closure at bagong traffic rerouting scheme sa bahagi ng Rizal Avenue, mula sa kanto ng Presto Street hanggang sa Gubatan Triangle.
‎
‎Isasagawa ang pagsasara sa Huwebes, Oktubre 29, 2026, mula alas-2:30 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi, upang bigyang-daan ang taunang 2026 Trick-or-Treat sa bayan.
‎
‎Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe, sundin ang mga karatula at tagubilin ng mga awtoridad, at gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang posibleng pagsisikip ng trapiko sa apektadong lugar.
‎
‎Layunin ng hakbang na mapanatili ang kaayusan sa kalsada habang isinasagawa ang aktibidad. Inaasahan namang makatutulong ang pakikipagtulungan ng publiko upang maging maayos at ligtas ang pagdaraos ng taunang Trick-or-Treat sa Mangaldan.